Ang NNC Calabarzon ay isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na nakikipagtulungan sa Commission on Population and Development (POPCOM) sa pagbibigay ng tamang impormasyon at pagkalat ng tamang kaalaman tungkol sa kalusugan at pag-iwas sa mga panganib ng teenage pregnancy.
Ito ay napapanahon dahil dumadami ang mga kaso ng teenager na nabubuntis sa bansa. Noong 2019, naitala ng POPCOM at mga Rural Health Units (RHU) na isa sa tatlong teenagers ay nagdalang-tao na.
Dala ng kabataan, ang mga teenager na nabubuntis ay maituturing na kabilang sa mga vulnerable groups. Ang kanilang katawan ay hindi pa lubos na nahuhubog upang makapag-dala ng bata sa kanilang sinapupunan.
Ang maagang pagbubuntis ay lubos na mapanganib kung saan maaaring makaranas ng pregnancy-related high blood pressure (preeclampsia). Ang mga sanggol naman ay maaaring ipanganak na mababa ang timbang at premature.
May mga “danger signs” din sa pagbubuntis tulad ng pamamanas ng binti, kamay at mukha, ang matinding pananakit ng ulo, pagkahilo, mabilis at mahirap na paghinga, lagnat at chills, matinding pagsakit ng tiyan, matubig na vaginal discharge, pagdudugo, at masakit na pag-ihi. May panawagan na huwag kalimutang pumunta sa doctor upang magpakonsulta kung mararanasan ang alin man sa mga nabanggit.
Karamihan sa mga maagang nagbubuntis ay itinatago ang kanilang kalagayan sa kanilang mga magulang, kaya hindi sila nagkakaroon ng sapat na prenatal check up. Ngunit mahalaga ang check-up upang malaman ang kondisyon ng ina at ng sanggol at maiwasan ang mga komplikasyon sa panganganak.
Dagdag pa, kailangan din ng tamang nutrisyon sa pamamagitan ng masusustansyang pagkain. Ang pangangailangang pang nutrisyon ng mga buntis ay iba kumpara sa “nutritional requirements” ng mga hindi nagdadalang tao.
Mahalaga din na mabigyan ang mga nagbubuntis ng tetanus-diphtheria immunization, iron-folic acid supplementation, weight and height measurement, assessment of body mass index (BMI), abdominal checkup, at counselling para sa responsible parenthood at birth spacing na maaring makuha ng libre sa RHUs.
Para sa iba pang kalaman ukol sa pagbubuntis, tumutok lang sa Official Facebook Page ng National Nutrition Council Calabarzon: https://www.facebook.com/NNCRegion4A.
Isinulat ni: Geraldine G. Aladin / Kristine Joy E. Fedilo