Maraming dahilan kung bakit hindi nagiging sapat ang gatas na lumalabas sa ina para makapagpasuso sa sanggol pagka panganak. Isa na rito ay dahil kulang sa “Unang Yakap Practice.”
Ang “Unang Yakap Practice” ay ipinaliwanag ng mas malawak ni Dr. Maria Asuncion Silvestre sa Virtual training na ginanap noong June 23 ng Department of Health – Center for Health Development tungkol sa “Infant and Young Child Feeding”. Sabi niya “Hindi nakakatulong sa pagpapasuso ang paghihiwalay ng bata sa ina dahil hindi sila nagkakaroon ng skin-to-skin contact kung saan nahihirapan mag latch ang bata.”
Sa pamamagitan ng latching natutulungan ng ina ang bata sa tamang paggamit ng kanyang bibig sa pagsuso. Ganun din sa tamang posisyon ng leeg ng bata kung saan kinakailangan nasusuportahan ng dibdib ng ina. Ang latching o skin-to-skin contact ng nanay at bata ay tumutulong din sa paglabas ng colostrum (ang madilaw, malapot at pinaka-masustansyang unang gatas mula sa suso ng ina).
Dagdag pa ni Dr. Silvestre, na isa ring neonatologist at Founder ng Kalusugan ng Mag-Ina, Inc., “Isa pa, hindi nabibigyan ng sapat na oras ang bata upang makapag-adjust o umangkop sa kanyang sitwasyon bago pasusuin. Mula sa sinapupunan ng ina, patungo sa labas ng mundo ay kinakailangan makapag pahinga muna ang baby ng 20-60 minutos upang ito ay makakuha ng sapat na gatas sa ina.”
Maraming ina ang nagsasabi na kulang ang gatas mula sa kanyang suso. Nguni’t kung titignan ang larawan sa itaas, kasing liit lamang ng kalamansi ang tiyan ng sanggol sa unang araw kung kaya’t kaunti (or 1-14 kutsarita ng breastmilk) lamang ang kailangan niyang gatas.
Sa pamamagitan ng paghahanda sa bata sa pagpapasuso at sa pagsunod sa latching, maitatama ang maling akala ng mga nanay na wala silang sapat na gatas sa kanilang suso. Kaya idiniin ni Dr. Silvestre na kailangang baguhin ang nakasanayan na hinihiwalay ang bata sa nanay pagkapanganak.
Sa unang pregnancy pa lang ni mommy, kumausap na ng obstetrician o komadrona at siguraduhin na gagawin ung “Unang Yakap Practice”.
Isinulat ni Zarah Clarice T. Megino