MENU

zarah july 1

Naipasa na ang RSCN-SCSD Resolution Number 1, series 2021 na pinamagatang Creation of the Calabarzon Task Force on EO 51 (The Philippine Milk Code) sa tulong ng isinagawang pagpupulong ng Regional Sub-Committee on Nutrition (RSCN) Calabarzon noong  Hunyo 29.

Layunin ng Calabarzon Task Force on EO 51 na mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng eksklusibong pagpapasuso sa kanilang mga anak,  malabanan ang malnutrisyon,  at matulungang maisulong ang tamang paraan ng pagpapasuso.

Napapanahon din ang pagkakaroon ng Calabarzon Task Force on EO 51, hindi lamang dahil sa pandemya dulot ng COVID-19, kundi nariyan rin ang mga nagdaang bagyo tulad ng Fabian, ang habagat, at kamakailan lamang ang pagbabadyang pagsabog ng Bulkang Taal na mga dahilan kung kaya’t tumaas ang bilang ng evacuation centers sa rehiyon. At dahil dito, maraming indibidwal at grupo ang namimigay ng libreng infant formula (isang artipisyal na gatas) sa inaasahang ito ay makatulong sa ating mga kababayan na nasa evacuation centers, lalo na sa mga pamilya na mayroong mga anak na  0-2 taong gulang.

Ngunit ibayong pag-iingat ang kinakailangan dahil ang maling preparasyon ng infant formula, tulad ng pag gamit ng maruming tubig o hindi malinis na paraan ng pag hahanda ng gatas ng bata ay maaring magdulot ng pagtatae o pagkakasakit ng bata. Bukod pa rito, ang pag-dilute o ang pag gamit ng infant formula ng mas mababa sa nirekomendang dami ay maaaring mag dulot ng malnutrisyon o kakulangan sa timbang dulot ng hindi sapat ng nutrisyon na natatanggap ng isang bata.

Ilan sa mga sakop na gawain ng task force ay ang mga sumusunod: 1) pagsubaybay sa implementasyon ng Milk Code; 2) pag-beripika o pagpatunay ng mga reports tungkol sa mga paglabag sa EO 51; 3) pag-check ng mga label ng produkto na kasama sa scope ng code tulad ng infant formula, teats at iba pa; 4) pagbigay rekomendasyon ng mga kaukulang kaparusahan sa mga lalabag sa EO 51; 5) pagsubaybay sa implementasyon ng milk donation drive; 6) pagbigay ng teknikal na tulong sa mga LGUs at ibang pribadong ahensya tungkol sa EO 51; at iba pa.

Ang pirmadong RSCN-SCSD resolution ay inaasahang ipamamahagi sa mga nasasakupan ng Calabarzon para sa karagdagang impormasyon at kaukulang aksyon.

Tandaan lagi na ang gatas ng ina ang nararapat at pinaka masustansyang pagkain na maaring ibigay sa ating mga anak at sanggol. Tulong-tulong tayo sa pagsulong  ng Calabarzon Task Force ng EO 51.

Isinulat ni: Zarah Clarice T. Megino