MENU

tin dec 2021

Nagbahagi ng good practices o mga epektibong gawain at programang pang-nutrisyon ang mga aktibo at “performing” Barangay Nutrition Committees (BNC) at Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa Talakayang “CaLaBaRZon Regional Dialogue with Punong Barangays: Enabling Nutrition Devolution” noong ika-24 at 26 ng Nobyembre.

 

Day 1 ng Presentation of Workshop Output ng Regional Dialogue

Ang mga presenters at panelists ng Day 1 ay sina Punong Barangay Aigrette Lajara ng Barangay Makiling, Calamba City at Punong Barangay Apolinario Camo ng Barangay Conde Itaas, Batangas City.

Punong Barangay Aigrette Lajara ng Barangay Makiling, Calamba City

Iprinesenta ni Kap. Lajara ang mga programa at proyekto ng kanilang barangay ayon sa apat (4) na major parameters ng Nutrition Program Management na base sa MELLPI Pro Functionality Checklist. Ito ay ang mga sumusunod: Governance and Capacity Development, Barangay Nutrition Committee Management, Policy Support, at Nutrition Services.

Bilang pagtugon at pagsuporta sa mga programang pang-nutrisyon sa ilalim ng Governance and Capacity Development, binigyan diin at siniguro ni Kap Aigrette na isa sa pinakamahalagang unang hakbang upang mas mapagtibay ang adbokasiya at gawing epektibo ang mga isasagawang programa ay ang pagbuo ng BNC.

Sabi ni Kap. Lajara, “Sa pagbubuo ng BNC ay kailangan po nating simulan ay ang BNC Organizational Chart. Kailangan din po ang pinakamahalagang partisipasyon ng ating punong barangay kasama po ang ating Committee on Health at lalong lalo na po, ang mga BNS.

Ipinagmamalaki din ng Barangay Makiling ang kanilang “Community Garden” na siyang nakakatulong na magkaroon at mabigyan ang mga pamilya ng sariwang gulay na pananim bago pa man dumating ang pandemya.

Dagdag pa ni Kap.Lajara,Sa ngayon, isa sa pinagtutuunan po namin ng effort ang aming Barangay Makiling Community Garden. Kasi po, ito po ay makakatulong sa amin sa pamamahagi ng mga gulay.”

Sa ilalim naman ng Nutrition Services ay nakapag-organize sila ng breastfeeding support groups at functional lactation stations sa barangay facilities.  Ibinahagi ni Kap. Lajara na pinaigting din niya ang kahalagahan ng breastfeeding sa pamamagitan ng Kapasiyahan Blg. 19-029-B kung saan bumuo ng breastfeeding support group sa bawat purok ng barangay. Bilang isa ring ina ay pinapahalagahan at dapat bigyan ng privacy ang isang ina na nagpapasuso ng kanyang anak habang nagpapacheck-up sa health center.

Noong Hulyo ngayong taon ay napabilang naman ang ilan sa napiling buntis sa Barangay Makiling upang makilahok at tumanggap ng food donation sa ginanap na Turn-over of Food Donation mula sa IATF on Zero Hunger at Pilipinas Kontra Gutom para sa Nutritionally-at-risk Pregnant Women sa lungsod ng Calamba na dinaluhan ng personal ng Chair of the Interagency Task Force on Zero Hunger, Cabinet Secretary Atty. Karlo Alexei B. Nograles kasama si Executive Director at Assistant Secretary ng National Nutrition Council, Dr. Azucena M. Dayanghirang at ang Regional Nutrition Program Coordinator ng NNC Calabarzon na si Ms. Carina Z. Santiago.

Sabi ni Kap. Lajara, “Nabahagian po kami ng Journal ng Pag-aalaga ni Nanay at syempre po ng ilang giveaways at na-meet po sila ng aming pong mga buntis. Kaya po mas napaganda pa po namin ang pag-propromote ng pag papa-breastfeed at kahalagahan po ng First 1000 Days ng ating pong mga nanay, sa kanilang first 9 months sa loob ng tiyan, first 2 years ni baby.”

 

Punong Barangay Apolinario Camo Barangay Conde Itaas, Batangas City.

Nang maluklok si Kap. Camo sa kanyang tungkulin, binigyan niya ng pansin ang kalagayang pang-nutrisyon ng kanilang barangay. Upang mabawaasan ang bilang ng mga batang malnourished sa kanilang komunidad ay nagsagawa sila ng ibat-ibang programa na makakatulong sa pagsugpo nito.

Upang masiguro ang tagumpay ng bawat proyekto, regular na nagkakaroon ng pagpupulong ang kanilang BNC para mas maayos na mapaglaanan ng pondo at mapagplanuhan ang mga ito.  

Ayon kay Kap. Camo, “Taong 2013, ng ako ay unang maupo bilang Punong Barangay, kasabay ang pagbuo ng iba’t-ibang komiti at isa na riyan ay ang Barangay Nutrition Committee. Malaking suliranin ang malnutrisyon sa mga edad 0-59 months old sa aming barangay. Nagumpisa kami sa bilang na 14 hanggang sa naging 0 noong 2018 dahil sa iba’t-ibang programa na ipinatupad namin. Taon-taon regular ang pagpaplano, paglalagay ng pondo, at schedule of activities na makikita sa BNAP, ang mga hindi kayang pondohan ng barangay fund ay ikinakalap sa mga ahensya ng gobyerno, fund raising activity at solicitation.”

 

Day 2 ng Presentation of Workshop Output ng Regional Dialogue

Sa Day 2 ng Presentation of Workshop Output ng Regional Dialogue, ibinahagi din ng mga napiling panelists ang kanilang good practices, at ang kanilang mga plano kagaya ng nutrition program management sa kani-kanilang barangay sa talakayan tungkol sa “Navigating Nutrition Programs in the Barangay” na pinangunahan ni Mr. Edward Paglinawan (NO II) bilang moderator.

Ang diskusyon na ito ang siyang nagbigay ng daan para talakayin ang mga nais gawin ng mga barangay sa kanilang “Devolution Transition Plans” kaugnay ng Mandanas-Garcia Ruling at ang epekto nito sa pagpapatupad ng programa sa barangay.

Punong Barangay Jojit Desingaño ng Barangay San Jose, Tagaytay City

Si Kap.  Desingaño ay nagsimula bilang Barangay Councilor sa taong 2002 hanggang 2013. Sa hangarin na mapabuti ang kanyang kumunidad ay pinagpatuloy niya ang serbisyo at tumakbo bilang Punong Barangay.

Siya ay naluklok sa tungkulin bilang punong barangay taong 2013 hanggang sa kasalukuyan.  Sa kanyang pamumuno ay nakamit niya ang 1st place bilang Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee noong 2019 sa Regional Nutrition Awarding Ceremony.

Isa sa prioridad ng kanyang barangay ay ang pag-iinvest sa nutrisyon. Inuna rin niya ang pagbibigay halaga sa mga BNS na siyang frontliners sa pagbibigay ng mga serbisyong pang-nutrisyon at pamamahagi ng tamang kaalaman sa wastong nutrisyon.

Sabi ni Kap.  Desingaño, “Ang tagumpay ng barangay ay definitely nasa vision ng isang kapitan kung san ilalagay/ilulugar ang barangay. Lagi ko rin sinasabi, pag nag invest ang isang barangay sa nutrition program, hindi ka lugi dito, aani ka dito ng marami. Why? Because one parameter ng isang developed at progresibong barangay ay kung walang prevalence ng malnutrition. At sa pag scale-up, lagi ko pong sinasabi, huwag kalilimutan ang pag-invest sa mga tamang tao. For instance, BNS, napakahalagang factor ng ginagawa ng ating mga minamahal na BNS. Ang tagumpay natin ay nakasalalay sa ating mga BNS.”

 

Punong Barangay Dr. Apolinario Alzona ng Barangay San Vicente, Biñan City

Si Kap. Dr. Alzona ay naluklok sa tungkulin noong July 1, 2018 -- at sa kanyang pamumuno ay tinanggap niya ang 2nd Place para sa Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee noong 2019 sa Regional Nutrition Awarding Ceremony.

Noong 2019 nagmula sa kanilang barangay ang 2021 Regional Outstanding BNS at naging contender sa National Outstanding BNS. Bilang isang bagong kapitan, malaki ang pagpapahalaga ni Kap Alzona sa kalagayan ng kalusugan at nutrisyon ng kanyang barangay.

Kaya naman malaki ang suportang ibinibigay niya sa kanyang BNS na siyang kaagapay niya sa pagsasagawa ng magagandang mga programa na makabubuti sa pangkalahatang kalusugan ng Barangay San Vicente.

Ibinahagi nya rin na malugod niyang iniimbitahan ang ibang BNC na bumisita sa kanila upang masaksihan ang ipinagmamalaki nilang good practices sa kanilang barangay.

Wika ni Kap. Dr. Alzona, “Bilang first timer na kapitan, nakaranas na po ako ng MELLPI ng dalawang beses. Alam niyo po kung bakit? Dahil po ang aking BNS (na dating BNS ng ibang barangay) ay inadopt ko sa ating barangay, dahil alam ko na kailangan ko talagang bigyan ng pansin ang BNS. So siya po talaga ang nagbibigay sa akin ng programang magaganda na talagang tinatanggap ko. Kung bibigyan talaga natin ng pagkakataon ang ating mga BNS, marami silang magagawa. Kaya po ngayon isa siya sa naging contender sa National ng Barangay Nutrition Scholar.”

Dagdag niya, “Mahilig po akong magpunta sa ibang barangay, na alam ko na may magandang practices, kaya po siguro gumanda yung mga programa ko dahil kinokopya ko ang good practices. Hindi naman po masama kumopya basta’t po alam niyo ang nakokopya niyo yung maganda. At hindi rin po pwedeng maging madamot kasi po sabi ko nga po sa mga nagpupunta sa amin, halikayo at bisitahin ang halamanan ng Barangay San Vicente.”

BNS Hazelaine Domingo Quiambao ng Barangay Aniban II, Bacoor City

Si Ms. Quiambao ay naging BNS noong July 1, 2016 -- at sa pagsisikap ay nagbunga ang sipag at dedikasyon sa serbisyo kaya siya ay itinanghal bilang 2018 Regional Outstanding BNS of CaLaBaRZon. Naimbitahan na rin siya bilang National panelist para sa 2021 Nutrition Month Conference na pinamagatang, “One step back, two step forward: Scaling-up the First 1000 Days Program”.

Naging malaking tulong ang suportang ibinibigay kay BNS Quiambao ng Barangay Council ng Barangay Aniban II sa mga programang pang-nutrisyon. Maliit man ang budget nito, ngunit naisasagawa niya ng matagumpay ang mga activities.  

Sabi niya, “Proud po akong sabihin na hindi po naging problema sa aking barangay yung budget. Maliit man ang naging budget namin, pero ang Council ay nakasuporta. So every time po na may activity kami, automatic po kinakaltasan ng 100 pesos ang Council pandagdag po doon sa aming pondo para po dun sa mga gagastusin po namin sa aming activity. At the same time po, may IGP din po kami and meron din po kaming outsource fund, o may ka-tandem po ako na mga establishments, mga clinics, at mga doctors po, may private individuals din po kaming nakapartner. Plus, yung family po namin  na nag-su-support po sa amin ay nagbibigay ng mga additional funds para sa aming programa. Kaya naman po proud po akong sabihin na ang aming mga programa po ay hitik, liglig, at siksik po sa paghahatid po ng mga nutrition programs sa aming mga ka-barangay.”

BNS Danilo Posion ng Barangay Iruhin Central, Tagaytay City

Halos isang dekada na sa serbisyo si BNS Posion, o “Danny” kung tawagin siya -- nagsimula sa tungkulin noong May 2, 2012. Nakamit ni BNS Danny sa taong 2015 ang parangal bilang National Outstanding Barangay Nutrition Scholar sa tulong at suporta ng City Nutrition Council, Punong Barangay at mga kaakibat sa pagbibgay ng programa at serbisyo sa kanilang barangay.

Dahil rito ay isa siya sa pinagmamalaki ng lungsod dahil maraming mga meetings, conferences, conventions na ang dinaluhan ni BNS Danny sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas.

Siya rin ang Vice President ng Federation of Barangay Nutrition Scholars in Region 4A. Isa sa naging susi niya sa matagumpay na pagpapatupad ng mga programa ay ang matibay na komunikasyon sa kanyang barangay kapitan at council hingil sa mga isyu ng nutrisyon sa kanilang barangay.

Sabi niya, “Siguro kaya rin ako nahirang bilang National Outstanding kasi magagaling din po kasi mga nakatuwang ko mula city hanggang sa baba na tinutulungan ako. Isa pa po may mga NGOs po kami na nagbibgay suporta sa mga pangangailangan ng mga programang pang-nutrisyon.”

Kwento pa ni BNS Danny, “Pag sinabi ko kay Kap, ‘Kap may programa po tayong ganito.’ Sasabihin ni Kap. ‘Sige, ano ang gagawin natin?’ Kumbaga, nandun po yung komunikasyon po namin sa isa’t isa, at sa barangay council.”

Idiniin niya na “Pinaka importante po sa BNS ay yung marunong po makipag komunikasyon sa mga kapitan po nila, sa mga namumuno. Kasi kapag wala po yun, kahit anong gawin niyo po na programa na gustuhin niyo ay hindi po maisasagawa. Kagaya ko po, talagang bawat galaw ko, bawat kilos ko sinasabi ko, ‘Kap.may kailangan po akong gawin, may gagawin po tayong ganito at meron po tayong mga project na dapat isagawa.’ Hindi pepwede pong basta mamaya o bukas, kailangan pagusapan po natin ngayon, kung kailangan po natin magharap harap kasama ang council, yun po ang pinaka importante po, para matapos.”

Ang Regional Dialogue. Hangarin ng regional dialogue na ito na magbigay ng inspirasyon sa mga ibang BNC at BNS sa CaLaBaRZon upang tularan ang dedikasyon ng mga Nutrition Champions para sa mas ikakaayos ng kalagayang pangnutrisyon sa kani-kanilang barangay.

Mahalaga na maisulong ang pag-invest sa nutrition programs para sa mas malusog na komunidad.  Malaking pagbabago ang maaaring maidulot sa antas ng malnutrisyon ng isang barangay kung ang mga programa at proyektong pang-nutrition ay i-scale up at sama-samang pagtulungan at pagtuunan ng pansin.

Nagagalak ang NNC Calabarzon at marami ang nakilahok at naghatid ng kanilang pasasalamat mula sa mga BNC at BNS sa naganap na dalawang araw ng CaLaBaRZon Regional Dialogue: Enabling Nutrition Devolution.

Halos dalawang libo ang lahat ng dumalo sa Facebook Live at Zoom. Para balikan ang buong kabuuan ng Day 1 at Day 2 ng regional dialogue, mangyari lamang na bisitahin ang aming Official Facebook page: https://www.facebook.com/NNCRegion4A

Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo