Binigyan muli ng karangalan ng CaLaBaRZon ang Tagaytay City sa pagtanghal kay Ms. Marietta “Mayet” Dogelio bilang 2021 Regional Local Nutrition Program Coordinator ng 2019.
Sa kanyang 32 years na pagsisilbi bilang CNPC, si Ms. Mayet ay may malaking bahagi sa likod ng matagumpay na paglaban ng malnutrition sa lungsod. Siya ay nagsimula bilang isang nutrition worker noong 1984.
Samantala, limang taon naman siyang naglingkod bilang Barangay Nutrition Scholar (BNS) -- kung saan ay tinulungan niya sa panunungkulan ang ama na kapitan ng kanilang barangay. Tinanggap din niya ang ikatlong pwesto bilang “Outstanding Barangay Nutrition Scholar” sa CaLaBaRZon noong 1985.
Dahil sa galing at kasipagan ni Ms. Mayet bilang BNS, na-appoint siya bilang City Nutrition Program Coordinator (CNPC) ng kanilang lungsod noong taong 1989. Kaya naman, naging katuwang siya ng City Nutrition Committee (CNC) kasama ang mga City Nutrition Officer (CNO) upang maayos na mapatupad ang mga programang pang nutrisyon sa kanilang lungsod pababa sa lahat ng mga barangay nito.
Malaki ang naitulong ng pagkakuha ng suporta ng lahat ng mga barangay upang masugpo ang malnutrisyon sa Tagaytay, kung kaya naging aktibo ang lahat ng Barangay Nutrition Committees (BNCs) sa pag iimplementa ng mga programang pangnutrisyon ng Tagaytay dahil bilang CNPC, si Ms. Mayet ang nagmomonitor, nagsusupervise at nagmementor sa kanilang mga BNS. Tinutulungan niyang mas mahubog pa ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng trainings, monthly meetings at assessment at pagbibigay ng technical assistance, lalung lalo na sa mga bagong mga BNS. Hinihikayat niya ang mga ito na magpursige at mas husayan ang kanilang pagseserbisyo sa kani kanilang barangay.
Dahil sa kanyang kahusayan, dedikasyon at kakayahan, bagay lang na siya ang napili ng Regional Nutrition Evaluation Team (RNET) na itanghal bilang “Calabarzon Local Nutrition Program Coordinator” para sa taong 2019. Bukod sa pagiging CNPC, siya rin ang presidente ng asosasyon ng mga D/CNPCs sa CaLaBaRZon at board member naman sa asosasyon sa national. Noong 2021 ay napili din siya ng Cavite Provincial Nutrition Office na maging representative ng probinsya para sa “Local Nutrition Focal Point-LNPC Category.”
Ayon kay Ms. Mayet, gusto niyang maging magandang halimbawa sa iba pang mga CNPCs. Nais niyang ibahagi na sa pamamagitan ng tama at maayos na pagseserbisyo ay maaaring hirangin na Outstanding LNPC.
Sa ngayon ay nakatutok si Ms Mayet, kasama ang CNC, sa pagpapalakas ng First 1000 (F1K) Days Program sa Tagaytay. Abala din sila sa pagsasagawa ng mga virtual barangay nutrition programs. Nagpaplano pa sila na mas maparami ang mga pagbabago sa mga bagay na pangnutrisyon sa kanilang lungsod.
Samantala, magandang balikan na kilala ang lungsod ng Tagaytay sa kahusayan nito sa implementasyon ng mga programang pangnutrisyon hindi lamang sa ating rehiyon kung hindi pati isa buong bansa. Taun taon ay humahakot ito ng mga parangal sa larangan ng nutrisyon, mapa lungsod man, o barangay.
Nagkaroon ang Tagaytay ng 13 na “Outstanding BNS” kung saan lima sa kanila ay nakapasok sa national level at tatlo dito ang nagkamit ng unang kangalan. Pitong BNC naman ang kinalala sa rehiyon na “Outstanding BNC” kung saan apat ang nakakuha ng unang pwesto at tatlo ang pangalawang pwesto.
Noong 2019, ay nabigyan ang Tagaytay ng parangal ng NNC para sa mga Local Nutrition Workers kasama na ang mga CNPCs. Sa national competitions, makailang beses din nila nakamit ang “National Outstanding BNS”. Noong 2017, nakuha din nila ang pinakamataas na karangalan na binibigay na pangnutrisyon, ang “Nutrition Honor Award (NHA).”
Mabuhay ang Tagaytay City at ang kanilang mga nutrition workers!
Isinulat ni: Mary Emerene P. Pingol