Pinarangalan bilang “Calabarzon Nutrition Action Officer of the Year 2019” si Engr. Emilma “Emma” Pello ng Tagaytay City sa Regional Nutrition Awarding Ceremony ng NNC IV-A noong nakaraang Disyembre 3 sa BSA Twin Towers Hotel, Mandaluyong City.
Sa awarding ceremony ay nagbigay ng maikling mensahe si Engr Emma bilang pasasalamat sa NNC Calabarzon. Sinabi niya na ipagpapatuloy niya ang pagseserbisyo, pagbubuo at pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad pang nutrisyon na maghahatid ng positibong pagbabago sa kalusugan ng mga kabataan at mga “Batang Tagaytay” para sa mga darating na taon.
Ayon pa kay Engr. Emma, hindi niya sukat akalain na ang isang tulad niya ay maglilingkod bilang City Nutrition Action Officer (CNAO) dahil isa siyang licensed civil engineer at unang nanilbihan taong 1996 para sa isang special project at kinalaunan ay naging City Planning and Development Coordinator (CPDC) sa Lungsod ng Tagaytay taong 2000.
Masaya din na ibinahagi ng awardee ang mga dahilan kung paano niya nagagampanan ang kanyang tungkulin bilang CNAO sa kabila ng kanyang trabaho bilang CPDC. Sabi niya “Masayang makasalamuha ang mga taong barangay at nag e-enjoy ako sa pagpunta sa mga Barangay upang maghatid ng programang pang-nutrisyon sa mga bata. Isa pa ay pamilya ang turingan namin sa City Nutrition Office (CNO) at ng mga BNS kung kaya ay nagkakaisa kami patungo sa layunin na mapabuti ang kalagayang pang-nutrisyon ng bawat barangay sa Tagaytay.”
Ayon kay Engr. Emma, kasama sa kanyang tungkulin ang nakikipagusap at nakikipag-coordinate sa mga Punong Barangay upang maging prayoridad ang nutrisyon at mabigyan ng sapat na budget para dito.
Tinukoy din niya na ang pinakamahalagang tungkulin niya ay ang pakikipag-ugnayan sa mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) na siyang nagsasagawa ng mga programa sa barangay. Dagdag pa niya na kailangan i-supervise, i-coach, at tulungan ang bawat BNS upang mas maganda at maayos ang pagpapatupad ng mga programa.
Kabilang rin si Engr. Emma sa Finance Committee ng City at nakakapagbigay siya ng madaming inputs kaya naman nabibigyan ng alokasyon at budget ang mga barangay ayon sa pangangailangan nito. Nabanggit din niya na upang mas maging epektibo at matagumpay ang isang CNAO sa pagsasagawa ng mga programa, kinakailangan ang buong suporta ng Local Chief Executive (LCE).
Naging maswerte naman si Engr. Emma dahil tatlong alkalde na ang nagdaan at hindi naging problema ang pagsasagawa ng mga programa. Bagkus, ay malaki ang naibigay na suporta ng mga bawat pinuno sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa kaugnay ng nutrisyon sa kanilang lungsod.
Kung may passion ang LCE at CNAO sa mga programa at iisa ang kanilang direksyon, at kung may openness sa mga nutrition program proposals na inihahain kung saan buong pusong tinatanggap na maging bahagi ang nutrisyon ng programa ng lungsod -- tiyak na mapagtatagumpayan ng City Nutrition Office ang pag-abot sa layuning mapabuti at masugpo ang malnutrisyon.
Malawak ang sakop ng nutrisyon kaya prayoridad ni Engr. Emma na masuportahan ang mga BNS sa tulong ng tuloy-tuloy na pagbibigay ng trainings at capacity development programs sa kanila upang magkaroon ng bagong kaalaman at maging mas magaling sa serbisyo.
Bago pa man ang pandemya ay nagkakaroon na ng mga lakbay aral taun-taon sa lungsod. Pati sa ibang bansa, naimbitahan si Engr. Emma na magbahagi ng good practices sa nutrisyon ng Tagaytay City sa ibang bansa tulad ng Korea at Japan para sa exchange program.
Kasama ang iba’t ibang miyembro ng City Nutrition Committee ng Tagaytay na kaakibat at katuwang ng City Nutrition Office sa nutrisyon. At dahil sa pagtutulungan ay nakamit ng Tagaytay City ang mataas na parangal sa region, maging sa national level.
Ang hamon ni Engr. Emma sa kanyang mga BNS ay paghusayan pa ang kanilang trabaho dahil pangarap niya na lahat sila ay mabigyan ng parangal at maging “Outstanding Barangay Nutrition Scholar” balang araw. Ito ay bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo dahil itong mga parangal na ito ang siyang magbibigay ng inspirasyon at pagganyak sa kani-kanilang mga sarili sa pagsasagawa ng mga programa sa barangay.
Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo