MENU

article robns

Natupad ang dati’y panaginip lang ni BNS Rowena “Bebot” Conde, nang  tanghalin siyang “Regional Outstanding Barangay Nutrition Scholar (ROBNS)” para sa taong 2019 sa  ginanap na “Calabarzon Nutrition Awarding Ceremony” noong  December  3.

Dahil sa kanyang  sipag, husay at dedikasyon sa pagsugpo ng malunutrisyon upang mapaunlad ang kalusugan at nutrisyon ng kanyang mga kabarangay,  limang beses natanggap ni BNS  Bebot ang “City Outstanding BNS.” Ito ay noong 2013, 2015, 2016, 2018 at 2019.  Noong 2017 naman ay naging 3rd placer siya ng ROBNS  at “Outstanding Employee ng Barangay San Antonio.”

Si Ms. Bebot ay nagsimulang maglingkod bilang BNS noong 2007 sa Barangay San Antonio.  Ito ay noong sinabi sa kanya ng kapatid niyang day care worker na nangangailangan ng BNS ang kanilang barangay. Agad niyang tinanggap  ang tungkulin kahit na noon ay wala pang ibinibigay na allowance sa kanila,  maliban sa 500 pesos mula sa Provincial Office. Ang tanging mahalaga sa kanya ay ang  makatulong sa kapwa at maging produktibo.

Sa loob ng 14 years na paglilingkod niya bilang BNS sa mga barangay, pinaka tumatak naman sa kanya ang ibinigay sa kanya  na isang bata na halos buto’t balat na at maraming sugat sa iba’t ibang parte ng katawan. Napag alaman niya na  ang bata ay may severe malnutrition.

Bilang BNS ay sinubaybayan niyang mabuti ang kalusugan ng bata. Bukod dito ay nagsilbi rin siyang guardian nito dahil walang kumilala sa kanya na kamag anak. Sa kalaunan ay  nagkaroon din ng registered foster parent ang bata at nasa mabuting kalagayan na ngayon. Maliban sa batang may malnutrisyon, marami  pang ibang  bata na bumuti ang kalusugan dahil sa kanyang tiyaga bilang BNS.

Naging inspirasyon din  ni BNS Bebot ang magagandang resulta ng mga  programa na nakakatugon sa mga problemang pang nutrisyon ng kanilang barangay. Bukod dito ay masaya siya sa  mga pasasalamat ng mga tao sa tuwing sila ay may mga natutulungan.  

Naranasan din  ni BNS  Bebot  ang mabigat na pagsubok. Noong 2018 ay  pina hinto siyang maglingkod sa dati niyang barangay. Mula noon ay  hinahahanap hanap niya ang nakasanayan niyang paglilingkod sa barangay.

Nguni’t mapalad si BNS Bebot dahil sa tulong  ni Ms. Isidora Alias (ang City Nutrition Action Officer ng Biñan) ay nakalipat siya sa Barangay San Vicente.  Binigyan siya ng suporta, hindi lamang ng Barangay Nutrition Committee ng San Vicente, kungdi pati na ng kanilang Punong Barangay na si Dr. Apolinario Alzona.   Dahil dito,  mas napagbuti pa niya ang kanyang kakayahan at paglilingkod bilang BNS.  Sabi niya, “Ang buhay ng isang BNS ay nakasalalay sa kapitan na  nagtiwala sa kanyang kakayahan.”

Lalong napabuti ang kalagayang pangnutrisyon ng Barangay San Vicente. Nakapagsagawa  sila ng iba’t ibang programa tulad ng First 1000 Days Program; monitoring at pag-aalaga sa mga buntis sa tulong ng mga NGO;  at regular dental check-ups ng mga buntis. Nagrereproduce din sila at namimigay ng mga IEC materials para makapagbigay ng tamang impormasyon tungkol sa nutrisyon. Kinilala rin at nabigyan ng parangal ng probinsya ng Laguna ang kanilang barangay dahil sa matagumpay nitong proyekto na “Home at Community Gardening.”

Noong 2019, nagbunga ang kanilang pagsisikap nang makatanggap ng parangal ang kanilang barangay mula sa NNC Calabarzon bilang “Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee,” 2nd Placer. 

Napatunayan lamang na  hindi matatawaran ang dedikasyon at serbisyong ibinubuhos ng mga BNS  upang maisaayos at mapaganda ang kalagayang pangnutrisyon sa kani kanilang barangay.

Nawa’y maging inspirasyon sa mga nutrition workers ang kwento ng mga ROBNS – at magpursigi at lumaban sa malnutrisyon sa kabila ng iba’t ibang pagsubok na kanilang kakaharapin sa kanilang paglilingkod.

Ni: Mary Emerene P. Pingol