MENU

emerene feeding june 2022

Tuloy-tuloy  na ang   Dietary Supplementation Program (DSP)  at pamimigay ng enhanced nutribun para sa 600 na  nutritionally at-risk na mga buntis at mga nagpapasusong ina sa F1K area ng Southville 8b sa Rodriguez-Montalban, Rizal.    

Sa una at ikatlong buwan, nutribun ang ipinamamahagi, samantalang   hot meals naman ang para sa ikalawang buwan.  Ang mga masustansyang pagkain ay magbibigay ng karagdagang sustansya upang malabanan ang malnutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong ina,  at upang maiwasan ang  “wasting” at  “stunting”  sa First 1000 days.

Ang malnutrisyon ay isa sa mga pinaka malubhang problema ng ating bansa. Patuloy itong lumalala kasabay ng pagdami  ng kaso ng kahirapan at kawalan ng trabaho,  lalo na sa panahon ng pandemya at global crisis.   

Ang pangunahing sanhi ng malnutrisyon   ay ang  kakulangan ng   protina sa mga pagkain. Ngunit sa pamamagitan ng karagdagang protina sa enhanced nutribun, mas  matutugunan  ang  pangangailangan sa nutrisyon ng mga pamilya.

Ang enhanced nutribun ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na  binuo ng mga siyentipikong Pilipino ay siksik sa sustansya dahil naglalaman ang bawat  serving nito ng 500 kcal at 18 grams ng protina. Ito ay sapat na para sa  karagdagang 400-700 kcal at 15-20 grams ng protina kada araw.

Naglalaman din  ang enhanced nutribun ng iba’t ibang bitamina at mineral kagaya ng vitamin A, calcium, iron, zinc, potassium, and iodine. Wala rin itong trans-fat and cholesterol, kaya naman angkop na angkop itong gawing alternative food commodity para sa (DSP) para sa mga bata, buntis at mga nanay na nagpapasuso, at tuwing blanket feeding kapag may emergencies.

Kayang sugpuin ang malnutrisyon sa pamamagitan ng wastong mga pagkain upang matulungan ang katawan natin na labanan  ang mga sakit. Mahalaga rin na magtulungan ang lahat na maikalat ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa nutrisyon.   

Ni: Mary Emerene P. Pingol