MENU

article mepp 31082022Mahalaga ang pagtutulungan ng mga magulang, mga guro, at mga staff ng  eskwelahan at  canteen   sa  pagsulong  ng tamang nutrisyon, aktibong  katawan at kaisipan at academic performance ng mag-aaral sa  kanilang pagbabalik eskwela  ngayong  Agosto 2022.”

Ngayong new normal na face to face ng mga klase, mas lumuwag ang  mga restrictions sa mga kainan kung saan  nagsibalikan ang mga kabi- kabilang fast food chains, tea and coffee shops, mga buffet restaurants, mga street foods  -- kaya naman mas lumaki  ang hamon para sa mga magulang at kinauukulan.

Sila ang maaaring gumabay sa pag iwas ng mga pagkain ng mga mag-aaral na napapabilang sa “Yellow Category” na hindi maaaring kainin araw araw at sa mga pagkaing napapabilang sa  “Red Category” o mga pagkaing may pinaka kaunting nutrisyon,  nakakasama sa kalusugan at ipinagbabawal ibenta sa mga eskwelahan (nakasaad sa larawan).

Sila   din ang maaaring magturo   sa pagpili ng mga tama at masustansiyang pagkain na kabilang sa “Pinggang Pinoy.”

Basahin ang mga sumusunod na  tips para masiguro ang wastong nutrisyon ng mga mag-aaral  ngayong pasukan:

1. Pagsunod sa Pinggang Pinoy:

Ang Pinggang Pinoy ay isang gabay sa tamang uri at dami ng pagkain na dapat makonsumo ng isang Pilipino sa isang kainan.

Ang  one third (1/3 o 33%)  o  ng pinggang pinoy  ay nakalaan sa Go Foods o ang mga carbohydrate-rich foods na nagbibigay ng enerhiya kagaya ng kanin, kamote, patatas, pasta, tinapay at noodles.

Ang one sixth (1/6 o 17 %)  naman ng pinggang pinoy ay ang Grow Foods. Ito ay ang mga pagkaing mayayaman sa protina at nakakatulong magpalakas ng buto, ngipin, at muscles, at nagpapabuti ng brain o mental development. Kasama sa grupong ito ang mga karne, isda, itlog at mga butong gulay.

Ang kalahati (1/2) naman ng pinggang pinoy ay ang Glow foods  (33 % gulay at 17 % prutas at tubig)  kung saan mas malaki ang bahagi ng gulay. Ang mga pagkaing ito ay tinawag na body regulating foods dahil ito ay siksik sa bitamina at mineral mahalaga upang lumakas ang resistensya ng katawan laban sa iba’t ibang sakit.

Kasama rin sa pinggang pinoy ang inumin. Nabibilang dito ang lahat ng klase ng inumin maliban sa alcoholic drinks. Iwasan ang pag inom ng matatamis na inumin kagaya ng soft drinks, sweetened fruit juices, tea at coffee. Mas nakakabuti na purong tubig ang inumin. Mahalaga na uminom ng sapat ng tubig araw-araw o 8-10 baso ng tubig.

2. Pagpaplano ng babaunin sa isang linggo.

Maganda na maiplano na ang babaunin ng bata o ang bibilhin na pagkain sa loob ng isang linggo upang mas makapili ng masusustansyang pagkain at maiwasan ang pagbili ng kung anu anong pagkain at miryenda kagaya ng mga junk foods.

Para sa mga estudyante, kung walang oras maghanda ng baon sa umaga, maaaring tumingin ng mga healthy recipes na madaling gawin o maaaring maihanda  na sa gabi.

Ang pagpaplano rin ng pagkain sa isang linggo ay makakatulong upang mapagkasya ang budget para sa pagkain. Bukod pa dito, ang pagkakaroon ng planadong pagkain ay makakatulong upang makaiwas sa pagliban ng pagkain  o pagka gutom ng mga estudyante.

Para naman sa mga hindi na nakakapaghanda ng baon sa umaga, mas nakakabuti na sa mga school canteens na bumili ng pagkain upang masiguro na ligtas at masustansya ang makakain. Nareregulate kasi dito ang mga tinitinda na pagkain sa tulong ng DepEd Order No. 13, series 2017 o ang “Policy and Guidelines on Healthy Food and Beverage Choices in Schools and in Deped Offices. Dahil sa order na ito, naipagbawal ang pagtitinda sa mga canteen ang mga pagkaing may kaunti lamang na nutrients o sustansya at  mataas sa asukal, taba at asin.

3. Paglalaan ng sapat na budget para sa pagkain

Kahit tumaas ang mga bilihin at mas kailangan na magtipid, huwag pa rin isasang-tabi ang paglalaan ng sapat na budget para makabili ng masusustansyang pagkain para mas maging aktibo ang kanilang katawan at kaisapan. 

Para makatipid, maaaring bilhin sa weekends ang pagkain na babaunin sa loob ng isang linggo. Mas nakakamura ang paghahanda ng sariling pagkain kaysa sa pagbili sa labas o pag order sa mga food applications. Dagdag pa dito ay ang pagbili ng mga prutas at  gulay na napapanahon upang makasiguro na mura ang presyo ng mga ito.

Maaari rin na magtamin ng mga gulay upang mabawasan ang gastusin sa pagkain. Mas makakasiguro pa na ligtas, sariwa at siksik sa sustansya ang makakain na gulay.

4. Pagkakaroon ng oras na mag ehersisyo

Kahit busy sa pag aaral ang mga estudyante, mahalaga na magkaroon pa rin ng oras sa pag eehersisyo. Ito ay makakatulong hindi lamang sa pagpapanatili ng malakas na katawan kundi pati sa pagkakaroon ng malinaw na kaisipan.

Kung malapit lamang sa Tahanan ay maglakad na lamang patungo sa Paaralan at gayundin pag-uwi. Ang paglalakad ay isang magandang ehersisyo na makakatulong din sa pag tunaw ng mga labis na taba sa katawan.  Dahil sa halos walong (8) oras na paglagi sa paaralan, ito ay nanghihikayat ng sedentary lifestyle na hindi maganda para sa katawan ng bata. Inaanyayahan ang mga estudyante na makilahok sa Physical Education classes at iba pang uri sports na inaalok sa paaralan.

Napakahalaga ang pagkakaroon ng wastong nutrisyon ng mga mag aaral para mas maging aktibo ang kanilang katawan at kaisapan at tumaas ang kanilang academic performance sa pagababalik nila muli sa eskwelahan. Para sa iba pang tips tungkol sa nutrisyon, i-follow ang Facebook Page ng National Nutrition Council – CaLaBaRZon, https://www.facebook.com/NNCRegion4A

Ni: Mary Emerene P. Pingol

Sources: A Healthy Plate for a Well-Nourished Nation (Pinggang Pinoy Guide) from FNRI-DOST

https://www.deped.gov.ph/2017/03/14/do-13-s-2017-policy-and-guidelines-on-healthy-food-and-beverage-choices-in-schools-and-in-deped-offices/