MENU

kristine february 2023

Tampok ang matagumpay na paglulunsad ng  unang araw ng implementasyon ng “Tutok Kainan Dietary Supplementation Program” sa siyudad ng Trece Martirez sa Cavie na isinagawa sa White House Covered Court, Golden Horizon noong Pebrero 16.  

Sa kabuuan, 600 ang benepisyaryong mga batang 6-23 buwan ang matutlungan ng nasabing programa mula sa: Lungsod ng Trece Martirez at Imus; at mga bayan ng General Emilio Aguinaldo; Indang; Maragondon; Mendez-Nuñez; Naic; Noveleta; Tanza; at Ternate.

Ang programa ay tatakbo  sa loob ng anim na buwan (katumbas ng 180 na araw) -- at inaasahang matapos sa Agosto 2023. Sa loob ng programa ay may supply ng supplementary foods ang mga bata na alinsunod sa itinalagang buwanang cycle menu ng dry feeding mula Lunes hanggang Linggo, mula NNC Central Office.

Ang ating masisipag na mga BNS ang susubaybay at magbibigay gabay sa mga magulang sa tamang pagbibigay ng mga complementary foods sa mga bata. Gayundin, sila ang nakatalaga na tututok sa pagbabago ng timbang ng mga bata sa pamamagitan ng pagtitimbang kada buwan at pagsasagawa ng mga reports. Inaasahan din na malaking bahagi ang gagampanan ng mga magulang sa pagpapaganda ng kalagayang pang-nutrisyon ng kanilang mga anak, pati na ang tagumpay ng nasabing programa.

Ang paglulunsad ay  dinaluhan ng butihing Punong Barangay, Simeon A. Perdito, kasama ang kanyang mga Barangay Kagawad at Barangay Nutrition Scholars (BNS). Ang kagalang galang na Trece Martires Mayor na si  Gemma Buendia Lubigan at  ang City Nutrition Action Officer  na Ms. Wenda P. Garcia,  ay nakiisa rin at  tumatayong focal person ng programa.

Kasama si DMO II Kristine Joy E. Fedilo, bilang  kinatawan ng NNC Calabarzon,  para saksihan  at magsagawa ng monitoring sa paglunsad ng Tutok Kainan. Si Ms. Fedilo ang   nagbigay ng overview  at mensahe ng programa sa mga magulang ng mga benepisyaryo.

Ang Tutok Kainan ay inilunsad ng NNC upang tugunan ang problema sa malnutrisyon partikular ang stunting o pagkabansot sa mga batang 0-23 buwan. Ang stunting ay epekto ng hindi tamang nutrisyon ng ina habang nagbubuntis, hindi madalas at kulang na pagpapakain sa bata 0-23 buwan; at kawalan ng tiyak na mapagkukunan ng pagkain (food insecurity).

Mahalaga ang pagbibigay ng masustansiyang pagkain sa mga bata mula ika-anim na buwan, kung saan nagsisimula ang pagbibigay ng karagdagang solid na pagkain sa kanila habang pinagpapaptuloy ang pagpapasuso para mabigyan sila ng karagdagang nutrsiyon.

Para sa karagdagang kaalaman, ang Lungsod ng Trece Martires  ay isa  sa mga lugar na napiling maging kabilang sa sampung target areas sa Probinsya ng Cavite para sa programang Tutok Kainan.

Isinulat ni: Kristine Joy E. Fedilo